Skip to main content

Ang Agila at ang Maya

Isang Agila ang kasalukuyang lumilipad sa kalawakan, buong yabang niyang iniladlad at ibinuka ang kanyang malalapad na pakpak. Habang patuloy siya sa kanyang paglipad ay nakasalubong niya ang isang maliit na ibong Maya at hinamon niya ito. “Hoy Maya, baka gusto mong subukan kung sino sa ating dalawa ang mabilis lumipad?” buong kayabangan ni Agila. Kaya naipasya niyang tanggapin ang hamon nito para maturuan niya ng leksyon. “Sige! Tinatanggap ko ang hamon mo. Kailan mo gustong magsimula tayo?” Natuwa ang Agila, hindi niya akalain na tatanggapin nito ang hamon niya. “Aba, nasa sa iyon ‘yan. Kung kailan mo gusto,” buong kayabangang sagot ni Agila. Napatingin ang Maya sa kalawakan. Nakita niyang nagdidilim ang kalangitan, natitiyak niyang ang kasunod niyon ay malakas sa pag-ulan. “Sige Agila, gusto kong umpisahan na natin ang karera ngayon na. Pero, para lalong maging masaya ang paligsahan natin ay kailangang bawat isa sa atin ay magdadala ng kahit anong bagay. Halimbawa ang dadalhin ko ay...

Si Kuneho at si Pagong

Isang araw ay nagkasalubong sa daan ang Kuneho at ang Pagong.

Ngingisi-ngising inaglahi ng Kuneho ang Pagong.
“Hoy, Pagong,” sigaw ng Kuneho, “pagkaikli-ikli ng mga paa mo at pagkabagal-bagal mong lumakad.”
Hindi ipinahalata ng Pagong na siya ay nagdamdam. Upang patunayang may maipagmamalaki din naman ay sinagot niya ang mayabang na kalaban.
“Aba, Kuneho, maaaring mabagal nga akong maglakad pero nakasisiguro akong matatalo kita sa palakasan. Baka gusto mong pabilisan tayong makaakyat sa tuktok ng bundok pagsikat ng araw bukas. Tinatanggap mo ba ang hamon ko?”
Tuwang-tuwa ang Kuneho sa hamon ng Pagong. Nakasisiguro siyang sa bagal ng Pagong ay tiyak na mananalo siya. Upang mapahiya ang Pagong ay pinagtatawag ng Kuneho ang lahat ng kamag-anak niya.
Pinulong niya ang mga ito at inutusang palakpakan siya kapag matagumpay na naakyat na niya ang tuktok ng bundok. Iniutos din niyang kantiyawan sa mabagal na pag-usad ang kalaban.
Maagang-maaga dumating sa paanan ng bundok ang maglalaban.
Maaga ring dumating ang iba’t ibang hayop na tuwang-tuwang makasasaksi ng isang tunggalian.
Kapansin-pansing kung maraming kamag-anak si Pagong ay higit na maraming kamag-anak ni Kuneho ang nagsulputan.
Nang sumisikat na ang araw ay pinaghanda na ng Alamid ang maglalaban. Ang mabilis na pagbababa ng kaniyang kanang kamay ang hudyat na simula na ang laban.
Sabay na gumalaw paakyat ng bundok ang magkalaban. Mabilis na tumalun-talon ang mayabang na Kuneho paitaas na parang hangin sa bilis. Nang marating na niya ang kalahatian ng bundok at lumingon paibaba ay natanawan niya ang umiisud-isod na kalaban.
Maraming naawa sa mabagal na Pagong.
“Kaya mo yan! Kaya mo yan!” pagpapalakas ng loob na sigaw ng kaniyang tatay, nanay, kuya, ate, at mga pinsan.
“Talo na yan! Talo na yan! Pagkabagal-bagal!” sigaw na panunudyo ng mga kamag-anak ni Kuneho.
Kahit kinukutya ay sumige pa rin si Pagong. Buong loob siyang nagpatuloy sa pag-isod.
Malayung-malayo na ang naakyat ni Kuneho. Nagpahinga ito ilang sandali upang tanawin ang anino ng kalaban. Nang walang makitang anumang umuusad ay ngingisi-ngising sumandal ito sa isang puno at umidlip.
Kahit na sabihing napakabagal umusad ay pinagsikapan ng Pagong na ibigay ang lahat ng lakas upang unti-unting makapanhik sa bundok.
Nang matanawang himbing na himbing sa pagtulog ang katunggali ay lalong nagsikap umisud-isod pataas ang pawisang Pagong.
Palabas na ang araw nang magising si Kuneho. Nanlaki ang mga mata nito nang matanawang isang dipa na lamang ang layo ng Pagong sa tuktok ng bundok.
Litong nagtatalon paitaas ang Kuneho upang unahan si Pagong. Huli na ang lahat sapagkat narating na ng masikap na Pagong ang tuktok ng tagumpay.

Aral

·         Ang nagsisikap ay ginagantimpalaan at ang pagpapabaya ay pinarurusahan.

Comments

Popular posts from this blog

Ang Aso at Ang Pusa

  Isang araw, ang Aso ay nakahuli ng isang ibon. Samantalang pinagpapasasaan niya iyon, isang munting buto ang nahalang sa kanyang lalamunan. Hindi niya maalis ang bikig na napakasakit. Sa matinding paghihirap ay napahalinghing nang ubod-lakas. Tumakbo siya kung saan-saan upang humanap ng makapag-aalis ng kanyang bikig. Parang nagmamakaawang ipinangangako niya sa kaninumang mahilingan ng tulong na ibibigay niya ang anumang mayroon siya sa makaaalis ng kaniyang bikig at tinik sa kanyang lalamunan. Tumihaya na ang Aso at ibinuka ang kaniyang bunganga. Ipinasok naman ng Pusa ang kaniyang ulo hanggang sa liig ng aso upang alisin ang bikig. Pagkabunot ng bikig, ang Pusa ay nagsalita. “Ibigay mo na ang aking gantimpala.” Umangil ang Aso. Inilabas niya ang matatalim na pangil. “Magpasalamat ka, at naipasok mo ang iyong ulo sa aking bunganga at nailabas mo pa rin nang hindi ka napahamak”, wika ng Aso na wari pang nanunumbat. GINTONG ARAL MULA SA PABULANG ITO: Nararapat lamang na tupar...

Ang Mag-anak na Langgam

Malapit-lapit na naman ang tag-ulan kung kaya’t ang isang mag-anak na langgam ay abalang-abala sa paghahakot ng pagkain para sa kanilang pinagtataguan. “Huwag kayong lilihis ng landas patungo sa ating lungga dahil sa may gawing kaliwa ay may munting kanal,” sabi ni Tatay Langgam. “Hindi po kami lalayo,” sabi ni Unang Munting Langgam. Abala sa paghahakot ng mga pagkain ang bawat isa kung kaya’t hindi nila napansing ang Bunsong Langgam ay unti-unting humiwalay sa pila. “Nakakapagod naman ang paghahakot ng pagkain. Mmatagal pa naman ang tag-ulan ay naghahanda na kami,” sabi sa sarili ng Bunsong Langgam. “Buti pa’y maghanap ako ng mas masarap na pagkain.” Walang anu-ano’y nakakita ng isang kendi na malapit na malapit sa kanal na ipinagbabawal na puntahan ng kanyang ama. “Siguro naman ay hindi ako mahuhulog sa kanal kung dahan-dahan kong kukunin ang kendi.” Sa kasabikan niyang makuha ang kendi ay hindi niya napansin ang munting sinulid na kinapatiran ng kanyang paa kaya nawalan siya ng pani...

Ang Lobo at ang Kambing

Isang lobo ang nahulog sa balon na walang tubig. Sinikap niyang tumalon upang maka-ahong palabas ngunit lubhang malalim ang balon na kanyang kinahulugan. Noo’y dumating ang isang uhaw na uhaw na kambing. Lumapit ito sa balon at narining ang tinig ng lobo. “Marami bang tubig sa loob ng balon?” tanong nito sa lobo. “Oo, napakarami!” ang pagsisinungaling na sagot naman ng lobo. Hindi na nagdalawang-isip pa ang kambing. Agad itong tumalon sa balon. At nalaman ngang siya’y niloko lamang ng lobo. “Ngayo’y pareho na tayong bilanggo ng balon na ito,” ang sabi ng lobo. “Mamamatay tayo sa uhaw at gutom dito,” ang sabi ng kambing. “Kung gusto mong makaalis dito, magtulungan tayo. Mayroon akong naisip na paraan kung papaano nating gagawin iyon.” “Papaano?” Noon ipinatong ng lobo ang mga paa sa katawan ng kambing. “Ako muna ang lalabas. At kapag nakalabas na ako, saka kita hahatakin palabas,” pangako nito. “Sige,” ang sabi naman ng kambing. Nakalabas nga ng balon ang lobo sa tulong ng kambing. Ngun...