Skip to main content

Ang Agila at ang Maya

Isang Agila ang kasalukuyang lumilipad sa kalawakan, buong yabang niyang iniladlad at ibinuka ang kanyang malalapad na pakpak. Habang patuloy siya sa kanyang paglipad ay nakasalubong niya ang isang maliit na ibong Maya at hinamon niya ito. “Hoy Maya, baka gusto mong subukan kung sino sa ating dalawa ang mabilis lumipad?” buong kayabangan ni Agila. Kaya naipasya niyang tanggapin ang hamon nito para maturuan niya ng leksyon. “Sige! Tinatanggap ko ang hamon mo. Kailan mo gustong magsimula tayo?” Natuwa ang Agila, hindi niya akalain na tatanggapin nito ang hamon niya. “Aba, nasa sa iyon ‘yan. Kung kailan mo gusto,” buong kayabangang sagot ni Agila. Napatingin ang Maya sa kalawakan. Nakita niyang nagdidilim ang kalangitan, natitiyak niyang ang kasunod niyon ay malakas sa pag-ulan. “Sige Agila, gusto kong umpisahan na natin ang karera ngayon na. Pero, para lalong maging masaya ang paligsahan natin ay kailangang bawat isa sa atin ay magdadala ng kahit anong bagay. Halimbawa ang dadalhin ko ay...

Si Aso at si Ipis

Mataas ang mga punong nakapaligid sa bahay. Malawak din ang hardin sa likuran. Napaligiran ng mga palay at mga pananim ang bahay ni Mang Kardo. Sa harap naman, malapit sa pintuan ay ang tulugan ng aso. Maliit lang ang bahay ngunit parang paraiso ang kapaligiran nito. Nag-iisa kasi ang bahay ni Mang Kardo sa bundok na iyon at ang kanyang kapitbahay ay sa kabilang bundok pa nakitira.

Araw ng Lunes at abalang nagluluto si Mang Kardo sa loob ng bahay. Kaarawan kasi ng kanyang apo at isang surpresa ang kanyang inihanda. Nagluto siya ng pinakamasarap na kanin na kanyang ibinayo lamang kaninang umaga. Naghanda rin siya ng pinikpikan at nilagyan ng etag upang mas lalo pang maging masarap ang kanilang ulam. At upang mas lalong maging masaya ang apo ay nagluto rin siya ng dalawang patong na cake.
Binilin niya ang kanyang aso na bantayan ang kanilang bahay dahil susunduin niya ang kanyang apo sa kabilang bundok. Sinabi niyang matatagalan pa ito kaya ang aso muna ang bahala sa kanilang bahay.
“Sige, mag-iingat ka sa pagbaba ng bundok, makakaasa ka na babantayan ko ang bahay pati na rin ang mga niluto mong mga pagkain,” yan ang sabi ng aso.
Naisip niya na siguradong bibigyan naman siya ng kanyang amo sa inihanda nitong pagkain kaya minabuti niyang bantayan ng mabuti ang bahay.
Tinawag ng Aso ang kaibigang Ipis at sinabing tulungan siya sa pagbabantay ng bahay.
Pinaakyat niya ito sa bubungan ng bahay para makita niya ang mga taong may masasamang balak at upang masabihan siya agad.
Umakyat nga ang ipis ngunit nakita nito ang cake sa lamesa, bigla siyang nagutom. Hindi napigilan ni Ipis ang kanyang sarili kaya tinawag niya na rin ang kanyang mga anak at mga kapamilya na alam niyang gutom din. Kinain nila ang higit sa kalahati ng cake at humigop ng sabaw ng pinikpikan na may etag.
Nang umuwi si Mang Kardo kasama ang apo nito ay nagulat sila ng makita nila ang cake at ang ilang putahe na nagkalat. Galit na galit si Mang Kardo. Tinawag niya ang aso at ikinulong ito sa pag-aakalang ito ang gumawa ng kalokohang iyon. Alam ng aso na ang kaibigang ipis ang gumawa ng bagay na ito, pero hindi niya ito sinabi sa kanyang amo.
Nakita ng ipis ang paghihirap ng Aso at naawa siya sa kanyang kaibigan. Nag-isip siya ng paraan para iligtas ang kaibigan ngunit wala siyang magawa kaya isang plano ang nabuo sa kanyang isip.
“Kawawa ang kaibigan ko. Kailangang ako ang magbayad sa kasalanang ginawa ko,” naisaisip ni ipis.
Isang umagang naghahanda ng almusal si Mang Kardo ay umakyat ang ipis sa lamesa at sinadyang ipakita sa matanda ang paglantak sa almusal nito. Nakita ng aso ang ginagawa ng ipis at tinahulan niya ito.
“Huwag ipis, kung makita ka ng amo ko ay ikulong ka katulad ko,” tahol pa nito.
“Hayaan mong malaman niya na ako ang gumagawa nito para makalaya ka,” sagot ni Ipis.
Nakita nga ni Mang Kardo ang ipis at sa isang hampas nito ng aklong hawak ay namatay ang ipis. Naisip niya na ito rin ang kumain sa handa ng kanyang apo at dahil dito ay pinakawalan niya at muling minahal ang aso.
Masaya ang aso na malaya na siya ngunit nahabag naman siya sa kaibigang ipis.
“Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa,” dalangin ng Aso.

Aral

·         Ang paggawa ng kasalanan ay tiyak na may kaparusahan.

Comments

Popular posts from this blog

Ang Aso at Ang Pusa

  Isang araw, ang Aso ay nakahuli ng isang ibon. Samantalang pinagpapasasaan niya iyon, isang munting buto ang nahalang sa kanyang lalamunan. Hindi niya maalis ang bikig na napakasakit. Sa matinding paghihirap ay napahalinghing nang ubod-lakas. Tumakbo siya kung saan-saan upang humanap ng makapag-aalis ng kanyang bikig. Parang nagmamakaawang ipinangangako niya sa kaninumang mahilingan ng tulong na ibibigay niya ang anumang mayroon siya sa makaaalis ng kaniyang bikig at tinik sa kanyang lalamunan. Tumihaya na ang Aso at ibinuka ang kaniyang bunganga. Ipinasok naman ng Pusa ang kaniyang ulo hanggang sa liig ng aso upang alisin ang bikig. Pagkabunot ng bikig, ang Pusa ay nagsalita. “Ibigay mo na ang aking gantimpala.” Umangil ang Aso. Inilabas niya ang matatalim na pangil. “Magpasalamat ka, at naipasok mo ang iyong ulo sa aking bunganga at nailabas mo pa rin nang hindi ka napahamak”, wika ng Aso na wari pang nanunumbat. GINTONG ARAL MULA SA PABULANG ITO: Nararapat lamang na tupar...

Ang Mag-anak na Langgam

Malapit-lapit na naman ang tag-ulan kung kaya’t ang isang mag-anak na langgam ay abalang-abala sa paghahakot ng pagkain para sa kanilang pinagtataguan. “Huwag kayong lilihis ng landas patungo sa ating lungga dahil sa may gawing kaliwa ay may munting kanal,” sabi ni Tatay Langgam. “Hindi po kami lalayo,” sabi ni Unang Munting Langgam. Abala sa paghahakot ng mga pagkain ang bawat isa kung kaya’t hindi nila napansing ang Bunsong Langgam ay unti-unting humiwalay sa pila. “Nakakapagod naman ang paghahakot ng pagkain. Mmatagal pa naman ang tag-ulan ay naghahanda na kami,” sabi sa sarili ng Bunsong Langgam. “Buti pa’y maghanap ako ng mas masarap na pagkain.” Walang anu-ano’y nakakita ng isang kendi na malapit na malapit sa kanal na ipinagbabawal na puntahan ng kanyang ama. “Siguro naman ay hindi ako mahuhulog sa kanal kung dahan-dahan kong kukunin ang kendi.” Sa kasabikan niyang makuha ang kendi ay hindi niya napansin ang munting sinulid na kinapatiran ng kanyang paa kaya nawalan siya ng pani...

Ang Pagong at ang Kalabaw

Isang araw ay nagkita ang kalabaw at ang pagong. Nais ng pagong na makipagkaibigan sa kalabaw. Tumawa lang nang malakas ang kalabaw at pakutyang sinabi na, “hindi ang isang tulad mo ang nais kong kaibigan. Ang gusto ko ay iyong kasinlaki at kasinlakas ko. Hindi tulad mong lampa na’t maliit ay sobra pa ang kupad kumilos.” Ang pagong ay napahiya sa tinuran ng palalong kalabaw. “Sobra kang mapang-api. Minamaliit mo ang aking kakayahan. Dapat mong malaman na ang maliit ay nakakapuwing.” Napika si kalabaw. Hinamon niya ng karera si pagong upang mapatunayan nito ang kanyang sinasabi. Tinanggap naman ni pagong ang hamon ni kalabaw. “Kapag ako ay tinalo mo sa labanang ito ay pagsisilbihan kita sa habang panahon.” “Matibay ka talaga, ha. Pwes, kailan mo gustong umpisahan ang karera?” Pakutyang sambit ng kalabaw. “Bukas ng umaga, sa lugar ding ito,” ang daling sagot ng pagong. Tuwang-tuwa si kalabaw dahil sigurado na niyang talo si pagong sa karera. Malaki siya at mabilis tumakbo. Subalit si pag...