Skip to main content

Ang Agila at ang Maya

Isang Agila ang kasalukuyang lumilipad sa kalawakan, buong yabang niyang iniladlad at ibinuka ang kanyang malalapad na pakpak. Habang patuloy siya sa kanyang paglipad ay nakasalubong niya ang isang maliit na ibong Maya at hinamon niya ito. “Hoy Maya, baka gusto mong subukan kung sino sa ating dalawa ang mabilis lumipad?” buong kayabangan ni Agila. Kaya naipasya niyang tanggapin ang hamon nito para maturuan niya ng leksyon. “Sige! Tinatanggap ko ang hamon mo. Kailan mo gustong magsimula tayo?” Natuwa ang Agila, hindi niya akalain na tatanggapin nito ang hamon niya. “Aba, nasa sa iyon ‘yan. Kung kailan mo gusto,” buong kayabangang sagot ni Agila. Napatingin ang Maya sa kalawakan. Nakita niyang nagdidilim ang kalangitan, natitiyak niyang ang kasunod niyon ay malakas sa pag-ulan. “Sige Agila, gusto kong umpisahan na natin ang karera ngayon na. Pero, para lalong maging masaya ang paligsahan natin ay kailangang bawat isa sa atin ay magdadala ng kahit anong bagay. Halimbawa ang dadalhin ko ay...

Bakit Laging Nag-Aaway ang Aso, Pusa at Daga?

Noong unang panahon, ang mga hayop ay nakapagsasalita at nagkakaintindihan. Sila ay magkakaibigan. Ang daigdig ay napakapayapa at animo’y isang paraiso. Ang mga aso, pusa at daga ay mabubuting magkakaibigan. Sama-sama silang kumakain. Lagi silang nagbibigayan at nagtutulungan sa kani-kanilang mga suliranin. Subalit ang lahat ng ito ay nasira dahil lamang sa isang pangyayari.


Isang araw, umuwi ang aso na may dala-dalang buto para pagsaluhan nila ng kaniyang mga kaibigang pusa at daga. Wala doon sina pusa at daga dahil naghahanap pa rin ang mga ito ng pagkain. Nakarinig ng ingay ang aso sa pintuan ng bahay. Inilapag ng aso ang buto at tumakbo sa labas upang tingnan kung ligtas ang kaniyang amo.
Sa oras naman na iyon ay dumating ang daga. Malungkot siya dahil wala siyang nakuhang pagkain. Nakita niya ang buto. Kinuha niya ito at dinala sa bubungan ng bahay.
“Mamayang gabi ay may pagsasaluhan kami ng aking mga kaibigang aso at pusa,” bulong ng daga sa sarili.
Pagbalik ng aso sa bahay ay nagulat ito ng makitang wala na ang iniwang buto. Naghanap nang naghanap ang aso subalit hindi rin niya makita ang buto. Dumating ang pusa na wala ring dalang pagkain. Tinulungan niya ang aso sa paghahanap ng buto. Nakarating sila sa itaas ng bahay hanggang sa kinaroroonan ng daga. Nagulat ang aso at pusa. Akala nila ay sadyang kinuha ng daga ang buto para masolo niya ito.
Mabilis na lumapit ang pusa sa daga at pinagalitan ito. Nagpaliwanag ang daga ngunit hindi rin siya pinakinggan ng pusa. Nag-away silang dalawa kaya’t ang buto ay nalaglag. Nasalo ito ng aso at dali-daling tumakbo hanggang sa likod ng bahay.
“Hah..hah.. hihintayin ko na lang sila dito. Siguro mamaya ay magkakasundo na rin sila at masaya naming pagsasaluhan itong buto,” bulong ng asong humihingal.
Dahil sa pagod at matagal-tagal ding paghihintay sa pagdating ng dalawang kaibigan, kinain na ng aso ang ikatlong bahagi ng buto. Itinira niya ang parte ng daga at ng pusa.
Mainit pa ang ulo ng pusa dahil sa galit nang ito ay dumating sa kinaroroonan ng aso. Inabutan niya ang aso na kumakain ng mag-isa. Bigla niyang inangilan ang aso. Nagkasagutan silang dalawa hanggang sa sila ay magkasakitan ng katawan. Narinig ng may-ari ng bahay ang ingay na dulot ng pag-aaway ng aso at pusa. Inawat silang dalawa at pinaghiwalay. Naghiwalay ang aso at pusa na kapwa may tanim na galit sa isa’t-isa. Iyon na ang simula ng kanilang pagiging magkaaway.
Magmula noon, sa tuwing makikita ng aso ang pusa ay kinakahulan niya ito. Ang pusa naman ay di padadaig. Lagi siyang sumasagot at lumalaban sa aso. At sa tuwing makikita ng pusa ang daga ay hinahabol niya ito. Dahil naman sa takot ang daga ay pumapasok sa isang maliit na lungga at lumalabas lamang doon kapag wala na ang pusa.

Aral

·         Huwag makikipag-away.
·         Kung may hindi pagkaka-unawaan, ayusin ito sa maayos na paraan.
·         Makipag-usap ng mahinahon at huwag agad magsakitan.

Comments

Popular posts from this blog

Ang Aso at Ang Pusa

  Isang araw, ang Aso ay nakahuli ng isang ibon. Samantalang pinagpapasasaan niya iyon, isang munting buto ang nahalang sa kanyang lalamunan. Hindi niya maalis ang bikig na napakasakit. Sa matinding paghihirap ay napahalinghing nang ubod-lakas. Tumakbo siya kung saan-saan upang humanap ng makapag-aalis ng kanyang bikig. Parang nagmamakaawang ipinangangako niya sa kaninumang mahilingan ng tulong na ibibigay niya ang anumang mayroon siya sa makaaalis ng kaniyang bikig at tinik sa kanyang lalamunan. Tumihaya na ang Aso at ibinuka ang kaniyang bunganga. Ipinasok naman ng Pusa ang kaniyang ulo hanggang sa liig ng aso upang alisin ang bikig. Pagkabunot ng bikig, ang Pusa ay nagsalita. “Ibigay mo na ang aking gantimpala.” Umangil ang Aso. Inilabas niya ang matatalim na pangil. “Magpasalamat ka, at naipasok mo ang iyong ulo sa aking bunganga at nailabas mo pa rin nang hindi ka napahamak”, wika ng Aso na wari pang nanunumbat. GINTONG ARAL MULA SA PABULANG ITO: Nararapat lamang na tupar...

Ang Mag-anak na Langgam

Malapit-lapit na naman ang tag-ulan kung kaya’t ang isang mag-anak na langgam ay abalang-abala sa paghahakot ng pagkain para sa kanilang pinagtataguan. “Huwag kayong lilihis ng landas patungo sa ating lungga dahil sa may gawing kaliwa ay may munting kanal,” sabi ni Tatay Langgam. “Hindi po kami lalayo,” sabi ni Unang Munting Langgam. Abala sa paghahakot ng mga pagkain ang bawat isa kung kaya’t hindi nila napansing ang Bunsong Langgam ay unti-unting humiwalay sa pila. “Nakakapagod naman ang paghahakot ng pagkain. Mmatagal pa naman ang tag-ulan ay naghahanda na kami,” sabi sa sarili ng Bunsong Langgam. “Buti pa’y maghanap ako ng mas masarap na pagkain.” Walang anu-ano’y nakakita ng isang kendi na malapit na malapit sa kanal na ipinagbabawal na puntahan ng kanyang ama. “Siguro naman ay hindi ako mahuhulog sa kanal kung dahan-dahan kong kukunin ang kendi.” Sa kasabikan niyang makuha ang kendi ay hindi niya napansin ang munting sinulid na kinapatiran ng kanyang paa kaya nawalan siya ng pani...

Ang Pagong at ang Kalabaw

Isang araw ay nagkita ang kalabaw at ang pagong. Nais ng pagong na makipagkaibigan sa kalabaw. Tumawa lang nang malakas ang kalabaw at pakutyang sinabi na, “hindi ang isang tulad mo ang nais kong kaibigan. Ang gusto ko ay iyong kasinlaki at kasinlakas ko. Hindi tulad mong lampa na’t maliit ay sobra pa ang kupad kumilos.” Ang pagong ay napahiya sa tinuran ng palalong kalabaw. “Sobra kang mapang-api. Minamaliit mo ang aking kakayahan. Dapat mong malaman na ang maliit ay nakakapuwing.” Napika si kalabaw. Hinamon niya ng karera si pagong upang mapatunayan nito ang kanyang sinasabi. Tinanggap naman ni pagong ang hamon ni kalabaw. “Kapag ako ay tinalo mo sa labanang ito ay pagsisilbihan kita sa habang panahon.” “Matibay ka talaga, ha. Pwes, kailan mo gustong umpisahan ang karera?” Pakutyang sambit ng kalabaw. “Bukas ng umaga, sa lugar ding ito,” ang daling sagot ng pagong. Tuwang-tuwa si kalabaw dahil sigurado na niyang talo si pagong sa karera. Malaki siya at mabilis tumakbo. Subalit si pag...